Ito ang makahulugang salita ni dating Phivolcs chief Raymundo Punongbayan, isang linggo bago siya namatay kasama ang walong iba pa sa isang chopper crash sa Gabaldon, Nueva Ecija kamakalawa.
Si Punongbayan ay nakipagkita noon kay Quezon City Mayor Feliciano Belmonte kasama ang grupo ng Earthquake Megacities Initiatives para sa implementasyon ng Disaster Risk Management Plan sa Quezon City. Ang QC, Makati at Marikina ang tatlong lungsod sa Metro Manila na napiling pilot areas sa disaster management initiatives.
Nang kapanayamin, tumanggi itong pag-usapan ang isyu tungkol sa trahedya at kamatayan sa halip ay nagsalita ito nang, "Huwag na natin pag-usapan yan darating at darating yan di lang natin alam kung kailan. It will come that is why we are here," wika ni Punongbayan.
"Makinig ka na lang sa mga lecture about disaster to get a whole idea on the risk that is facing Metro Manila," sabi pa ni Punongbayan.
Si Punongbayan ay director at treasurer ng EMI, isang non-profit scientific non-government international initiatives.
Nang hingan ng calling card ng mga reporter ay isang piraso ang hinugot nito mula sa kanyang pitaka at iniabot kasabay ang pabirong pahayag na, "This is my last calling card please share it with others, baka hindi nako makontak."
Patuloy na hindi pa rin nakikilala ng mga forensic experts ng National Bureau of Investigation (NBI) ang bangkay ni Punongbayan buhat sa mga labi na narekober sa sumabog na helicopter sa Nueva Ecija.
Tatlong bangkay pa lamang ang nakikilala ng mga eksperto na sina 1st Lt. Reynaldo Gerrodias, piloto; Orlando Abengoza, nakatalaga sa Document Section ng Phivolcs at Wilbert Tacata.
Patuloy namang nahihirapan ang NBI na kilalanin ang tatlo sa anim na bangkay na narekober sa crash site kung saan tanging mga DNA identification sa mga kamag-anak at sa pamamagitan ng dental records na lamang ang paraan dahil sa matinding pagkasunog ng mga katawan.
Tatagal pa umano ng isa hanggang dalawang linggo bago tuluyang makilala ang mga bangkay na narekober.
Samantala, nagpadala na rin ng mga eksperto si NBI Director Reynaldo Wycoco sa crash site upang doon kumuha ng mga tissue at bone sample sa mga pira-pirasong bahagi ng bangkay na nawasak dahil sa pagsabog.
Tatlong bangkay pa ang hinahanap ng mga awtoridad kung saan umaasa ang mga kamag-anak ng mga biktima na nagawang makatalon ng mga ito bago sumalpok sa bundok at sumabog ang helicopter.
Sinisilip naman ang anggulong "human error, material at environmental factor".
Sinabi ni PAF spokesman Lt. Col. Restituto Padilla na posibleng masyadong malakas ang hangin kaya nawalan ng kontrol ang dalawang piloto.
Kaugnay nito, grounded ang lahat ng Huey choppers ng PAF o hindi ang mga ito maaaring lumipad maliban na lamang sa security missions na ipatutupad isa o dalawang linggo o higit pa hanggat hindi nadedetermina ang sanhi ng pagbagsak ng nasabing sasakyang panghimpapawid.
May 50 ang helicopter ng PAF pero 35 hanggang 40 lamang sa mga ito ang operational.
Nakilala si Punongbayan matapos itong magbabala sa matinding epekto ng pagputok ng Mt. Pinatubo sa Zambales noong 1991 na ang delubyo ay umabot hanggang sa Pampanga na siyang dinaluyan ng lahat ng volcanic ashfall.
Ang chief volcanologist ay siya ring nag-anunsiyo ng killer earthquake na tumama sa Baguio City at nagpaguho sa Pines Hotel na ikinasawi at ikinasugat ng libu-libong katao noong Hulyo 16, 1990. (Ulat nina Perseus Echeminada,Danilo Garcia at Joy Cantos)