"We will be one in the call for President Arroyo to step down!" Ang nagkakaisang pahayag ng mga militanteng grupo na kinabibilangan ng Kilusang Mayo Uno (KMU), Bayan, Bayan Muna, Peoples Movement Against Poverty (PMAP) at Union of the Masses for Democracy (UMD) sa isinagawang press conference kahapon sa Citio Fernandina sa Greenhills, San Juan.
Ayon kay Ver Eustaquio, tagapagsalita ng UMD na sumuporta noong nakaraang eleksiyon sa namayapang si FPJ, gagawin nila ang kilos protesta dahil sawa na sila sa paghingi ng tulong sa Arroyo Government na labanan ang kahirapan dahil tila wala itong aksyong ginagawa at bigong matugunan ang kondisyon ng mga ordinaryong manggagawa na magkaroon sila ng disenteng pamumuhay.
"We have sought the help of the government (to alleviate poverty) but it was not given. So its high time for an administration that will serve its people," saad ni Eustaquio.
Nagbabala din ito na magiging triple ang bilang ng mga welgista kumpara sa mga nagwelga noong Mayo 1, 2004 na umaabot sa mahigit 10,000 katao.
Hinamon pa ni Eustaquio ang Philippine National Police (PNP) na magpagawa ng malaking kulungan at maglagay ng maraming pulis sa araw ng kanilang kilos protesta dahil hindi na sila natatakot na arestuhin ng mga ito.
"Hindi kami natatakot na makulong dahil matagal na kaming nakakulong sa kahirapan at sanay na kaming makulong kaya payo namin sa PNP na maghanda ng napakalaking kulungan upang mapaghandaan ang gagawin naming kilos protesta sa Mayo Uno," pahayag ni Eustaquio.
Dahil dito mahigit 10,000 puwersa ng pulisya ang nakatakdang ipakalat ng PNP.
Simula sa hatinggabi ng Abril 30 o bisperas ng Labor Day ay ipapatupad na ng PNP ang red alert hanggang Mayo 2.
Mahigpit ring babantayan ang Liwasang Bonifacio, Plaza Miranda sa Quiapo at iba pang mga lugar na dadagsain ng mga ralista. (Ulat nina Edwin Balasa at Joy Cantos)