Ex-chief ng Register of Deeds kalaboso ng 20-taon sa pagnanakaw

Dalawampung taong pagkabilanggo ang inihatol kahapon ng Sandiganbayan Fourth Division sa dating hepe ng Davao Register of Deeds dahil sa pagnanakaw ng public funds.

Sa 16-pahinang desisyon, nahatulang mabilanggo si Atty. Aludia Gadia matapos mapatunayang nagkasala nang paglabag sa Art. 217 ng Revised Penal Code o malversation of public funds.

Ipinasasauli din ng korte ng doble ang P670,201.33 halaga ng salapi kasama ang multang kapareho rin ng halagang ninakaw nito.

Ayon sa korte, hindi kailangan ng direktang katibayan na napunta ang hinahanap na salapi sa personal na account ni Gadia.

"The more fact that she was unable to account for the missing amount upon demand established a presumption that the sum was embezzled," anang Fourth Division.

Nag-ugat ang kaso sa naging ulat ng Commission on Audit (DOA) na kapos ang koleksyon ng naturang tanggapan ng kanyang pinamumunuang ahensiya mula Dis. 20, 1996-Marso 9, 1998.

Hindi rin aniya maaaring ipasa nito ang sisi sa mga kahera ng ahensiya dahil pananagutan ni Gadia ang nawawalang koleksyon. (Ulat ni Malou Rongalerios)

Show comments