Tax evasion vs Goma

Ipinagharap ng tax evasion case ng Bureau of Internal Revenue at Department of Finance sa Department of Justice (DoJ) ang aktor na si Richard Gomez o Richard Frank Icasiano Gomez sa tunay na buhay, matapos na ‘di umano magbayad ng buwis sa loob ng tatlong taon.

Sa information na isinumite ng BIR at DoF kay Justice Chief State Prosecutor Jovencito Zuño, hindi nagbayad ng kanyang buwis si Gomez mula 2000-2003 kung saan tanging ang documentary stamp tax lamang ang binayaran nito noong Nov. 6, 2003 na nagkakahalaga ng P786,975 para makuha nito ang isang property sa Forbes Park na worth P52M.

Gayunpaman, ikinatuwiran ni Gomez sa nasabing mga kagawaran na wala naman siyang ginawang proyekto at kinita noong mga nasabing taon kaya hindi siya dapat na magbayad ng buwis.

Subalit ito naman ay lihis sa imbestigasyon ng BIR dahil lumalabas sa naging imbestigasyon nito na patuloy pa rin ang naging career ni Gomez bilang aktor, model at product endorser noong nasabing taon, kung saan kumita ito mula sa dalawang malalaking network na nagkakahalaga ng P1M bawat taon.

Pumalag naman ang kampo ng oposisyon sa isinampang tax evasion case laban kay Gomez at sumigaw ng harassment.

Ipinahiwatig ni House Minority Leader Francis "Chiz" Escudero na posibleng bahagi ng political harassment ang nasabing kaso dahil kilala si Gomez bilang supporter ng oposisyon at tahasan ang ginagawa nitong pagbatikos sa administrasyon.

"Sana hindi ito ang simula ng harassment laban sa oposisyon," ani Escudero sa panayam sa telepono.

Ipinagtataka ni Escudero kung bakit tanging ari-arian lamang ni Gomez ang tinutukan ng BIR at kung mayroong iba pa ay hindi pa kinakasuhan.

Nasorpresa naman si Gomez sa tax evasion na isinampa ng BIR gayong nakatakdang makipagkita ang kanyang accountant at abogado sa BIR para ayusin ang record ng kanilang tax payments.

Sa isang phone interview kahapon kay Gomez na kasalukuyang nasa Hong Kong, kinondena ng aktor ang naturang akusasyon.

"I’m very vocal how I feel about this government. I’m very outspoken against the VAT. It could be (the reason for this tax case)," pahayag ni Gomez.

"Hindi porke kilalang tao ako, mayaman na ako. Andyan si ‘Jose Pidal’ na umaming mayroong P300 million. Why don’t they (BIR) run after the big fish? Bakit ako?" sabi pa ni Gomez.

Wala namang balak si Gomez na umuwi ng Pilipinas dahil lamang sa naturang kaso. (Ulat nina Grace Dela Cruz at MVillanueva)

Show comments