Monthly rental sa housing unit, gagawing P500 na lang

Magandang balita para sa mga mahihirap na wala pang sariling tahanan.

Tinatalakay na ng House committeee on housing and urban development ang panukalang batas na naglalayong gawing P500 ang pinakamababang upa sa unang 10 taon para sa isang housing unit sa ika-11 taon at ang pagtaas ay hindi maaaring lumampas sa P250.

Naniniwala si Alagad Party-list Rep. Rodante Marcoleta, awtor ng panukala, na maraming mahihirap na pamilya ang magkakaroon ng sariling tahanan sa sandaling maging isang ganap na batas ang panukala. Pero kailangan aniyang tumulong sa pagtatayo ng kanilang sariling tahanan ang mga mabibiyayaang pamilya.

Sa sandaling maitayo ang Bayanihan Homebuilding program ay mabibigyan nang pagkakataon ang mga mahihirap na magkaroon ng sariling bahay dahil mura lamang ang monthly amortization na sisingilin sa kanila.

Nakasaad sa panukala na ang mabebenipisyuhan lamang ng Bayanihan Homebuilding ay ang mga pamilyang nasa lungsod o urban cities na ang kita ay sakop ng "poverty threshold", walang sariling tahanan at hindi isang professional squatter.

Pabor ang kinatawan ng Home Development Mutual Fund (HDMF/PagIbig) na si Florentino Espana Jr., vice pres. ng Management Service Group sa panukala. (Ulat ni Malou Rongalerios)

Show comments