Limang milyong Katoliko na kinabibilangan ng may 200 head of states ang nakiisa kabilang sina Britain Prince Charles; Belgium King Albert II at Queen Paola; Denmark Queen Margarethe at Prince Henry; Norway Queen Sonja; Spain King Juan Carlos and Queen Sophia; US President George Bush; Arab League Secretary General Amr Moussa Armenia; UN Secretary General Koffi Annan at ang Presidente ng Pilipinas si Gloria Macapagal-Arroyo.
Mistulang nakidalamhati rin ang mga mananampalatayang Islam dahil para sa kanila ang pagyao ng Santo Papa na isang mataas na religious leader ay malaking kawalan sa ugnayang namagitan sa Muslim at bilyong Kristiyano sa ibat ibang panig ng mundo.
Tulad ng karaniwang misa, nagkaroon ng mga pagbasa sa Bibliya bago pinal na inilagay ang labi ng Santo Papa sa Grotto sa ilalim ng St. Peter Basilica bandang alas-4 ng hapon sa Vatican.
Naging mahigpit din sa pagpapatupad ng seguridad ang pamunuan ng Vatican upang matiyak ang kaligtasan ng mga pinuno ng mga bansang nakidalamhati sa pagkamatay ng Holy Pope.
Ilang araw bago ang libing ay idineklara ng Vatican ang no-fly zone sa paligid at bisinidad ng naturang lungsod.
Nakasaad sa last will and testament ng Papa na isinalin sa wikang English mula sa orihinal na pagkakasulat nito sa Polish na mayroong petsang March 6, 1979 na ilibing siya sa kanyang bansang sinilangan, ang Poland subalit ipinaubaya na lamang niya sa College of Cardinal ang desisyon kung saan siya nararapat na iburol.
Nakasaad pa sa last will ang pagpapasalamat ng Papa sa Diyos na kahit na wala siyang kayamanan na maaring ibigay ay hiniling nito na ipamahagi ang kanyang mga ginagamit sa araw-araw samantalang ang kanyang personal na sulat ay susunugin.
Pinasalamatan nito ang kanyang mga magulang at mga kapatid kahit hindi na niya ito nakita dahil sa namatay ito bago siya isilang, komunidad sa Wadowie kung saan siya binautismuhan, mga kaibigan mula elementary hanggang high school sa unibersidad at hanggang sa mga katrabaho sa kasalukuyan at sa Roma.
Sa huling sulat, sinabi nito ang mga katagang "May God reward you". "In manus, tuas, Domine, commendo spiritum meum" na ang ibig sabihin ay "In your hands, Lord, I commend my spirits."
Si Pope John Paul II ang may pinakamahabang termino ng pamumuno sa Simbahang Katoliko na tumagal ng 26 na taon. (Ulat nina Gemma Garcia at Grace dela Cruz)