Ayon kay Bukidnon Rep. Juan Miguel Zubiri, awtor ng panukala, panahon na para hanapan ang ibang source o pagkukunan ng alternatibong gasolina para sa sasakyan dulot na rin ng pagtataas ng presyo ng produktong petrolyo.
Layunin din ng panukala na mapalakas ang produksyon ng asukal at madagdagan ang bilang ng trabaho sa mga Pilipino kapag napalakas ang paggamit ng non-conventional source ng enerhiya.
Sa huling pagdinig ng komite, sinabi ni dating Energy Secretary Vince Perez na sa halip na mag-export ng asukal sa ibang bansa ay mas makabubuting gamitin na lamang ang raw material nito para sa produksyon ng ethanol.
Niliwanag ni Perez na bukod sa madaling gawin dulot na rin sa pagiging abundant ng suplay nito sa Pilipinas ay mas mura ito kumpara sa imported na krudo.
Nagpahayag ng pagkatuwa si Zubiri sa pagkakapasa ng kanyang panukala na pinaniniwalaan niyang may positibong epekto sa pagkakaroon ng trabaho at pagbibigay tulong sa sugar industry.
Mas mura aniya ang ethanol keysa imported na langis pero kailangang ma-idevelop ng husto ang teknolohiyang ito para mapakinabangan kaagad ang naturang bagong alternatibong gasolina.
Idinagdag ni Sugar Regulatory Administration (SRA) Administrator James Ledesma na kayang-kayang suplayan ng local na sugar industry ang pangangailangan ng ethanol ng buong bansa. (Ulat ni Malou Rongalerios)