Presyo ng krudo, LPG taas uli

Panibagong pahirap na naman sa sambayanang Pilipino partikular sa mga motorista at mga maybahay dahil sa panibagong pagtataas sa presyo ng krudo at Liquified Petroleum Gas (LPG) ang ikinasa na naman ng mga oil companies.

Nagpatupad kahapon ang Petron at Total Gas ng P11 na taas sa presyo ng kada tangke ng LPG kaya umaabot na sa P395 hanggang P405 ang presyo ng LPG kada tangke.

Samantala, nagtaas muli ng 50 sentimo sa presyo ng kanilang produktong petrolyo ang Total at Caltex matapos na magtaas ng kanilang presyo ang ilang oil small players.

Sinabi ng Department of Energy (DOE) na posible pang tumaas ang presyo ng produktong petrolyo linggo-linggo hanggang sa buwan ng Mayo upang makabawi daw sa pagkalugi ang mga oil companies.

Pero siniguro naman ng DOE na kahit patuloy ang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo ay patuloy pa rin ang pagbibigay ng diskwento sa mga jeepney drivers sa ilang piling gas stations.

Magugunita na hinimok ng mga kongresista ang mga oil companies na magbigay ng abiso sa publiko kung hanggang kailan nila gagawin ang linggu-linggong pagtataas sa presyo ng oil products.

Nanawagan na rin ang mga kongresista at senador kay Pangulong Arroyo na pag-aralan na ang posibleng pag-amyenda sa Oil Deregulation Law para mapigilan ang mga oil companies sa walang-awat na pagtataas ng presyo ng kanilang produkto. (Ulat ni Edwin Balasa)

Show comments