Sa House Resolution 659 na inihain nito, sinabi ni Tañada na kinilala ng ibat ibang justice system sa buong mundo ang potensiyal at pagiging epektibo ng DNA bilang siyentipikong paraan sa pagresolba ng krimen.
Magagamit ang DNA sa pagkilala sa mga kriminal, maresolbahan ang krimen at mapawalang-sala ang mga inosente o mga walang kasalanan na naakusahan ng krimen, at mas mapapabilis din ang pagkilala sa mga nawawalang tao.
Sa ilalim ng panukala, ang DNA database ay kokolektahin at imamantina ng bubuuing DNA Technology Center.
Una nang ipinakilala sa bansa noong 1996 ang DNA technology sa pagkakabuo ng Presidential Anti-Crime Commission sa pamamagitan ng itinayong DNA Analysis Laboratory sa Natural Sciences Research Institute ng UP.
Simula rito, ibat ibang government at private laboratories ang nagsasagawa na rin ng DNA testing kabilang na ang National Bureau of Chemistry Division, St. Lukes Medical Center at PNP Crime laboratory.
Ang isang DNA test kit ay nagkakahalaga ng P45,000, subalit sinabi ni Tañada na mapapakinabangan ito sa mahaba-habang panahon sa mabilisang pagresolba ng krimen. (Ulat ni Malou Rongalerios)