Sinabi ni NBI Director Reynaldo Wycoco, nahihirapan sila na makakuha ng impormasyon ukol sa naturang mga sindikato dahil sa natatakot ang publiko na balikan ng mga kriminal. Mas mainam umano na sa mga pari ng kanilang simbahan na lamang ipagtapat ang kanilang nalalaman sa pamamagitan ng pangungumpisal.
Makikipag-ugnayan rin ngayon ang NBI sa Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) upang maging ganap ang tulungan nila laban sa naturang suliranin.
Ayon sa mga report, marami nang sindikato ng child trafficking ang kumikilos sa bansa. Patunay nito ang mga sunud-sunod na insidente ng pagnanakaw ng mga sanggol sa Quiapo at pagkawala ng mga maliliit pang bata.
Dito nabatid na ibinebenta ang mga sanggol at bata sa isang sindikato na ibinebenta naman ng mga ito sa malaking halaga sa mga mag-asawang walang anak habang ang iba naman ay pinaghahanapbuhay sa pamamagitan ng pagpapalimos sa mga kalsada sa ibang mga lungsod.
May mga hindi kumpirmadong ulat rin na dinadala pa sa ibang bansa ang mga bata upang doon ibenta at pagtrabahuhin habang ang iba ay ibinubulid sa prostitusyon partikular na sa mga pedopilya at sa cyber prostitusyon.
Pinakaepektibo umano ang Simbahan dahil ito ang pinakamaraming sangay sa buong bansa na pagsusumbungan ng publiko na hindi nanganganib ang kanilang pagkakakilanlan.