Labing-anim na mambabatas ang naghain ng panukala na tinalakay ng Sub-Committee on Criminal Laws na sakop ng House Committee on Revision of Law.
Ayon sa mga nais magbasura sa parusang kamatayan, walang puwang sa isang Katolikong bansa ang nasabing parusa kaya dapat lamang na buwagin na ito.
"The death penalty shuts out rehabilitative justice and is cruel and irrevocable," ani Albay Rep. Edcel Lagman, isa sa 16 na kongresista na awtor ng panukala.
Sa sandali aniyang maipataw na ang nasabing parusa sa isang bilanggo na nakahanay sa death row, hindi na kailanman ito mababawi.
Sinabi pa ni Lagman na lumalabas na anti-poor ang nasabing batas dahil base sa isang pag-aaral, 97.73 percent ng 1,010 death convicts na nasa National Bilibid Prison ay walang trabaho bago sila makulong o kung hindi naman ay mga low-income industrial, service at agricultural workers.
Wala aniyang kakayahan ang mga death convicts na kumuha ng magaling na abogado dahil na rin sa kahirapan.
Idinagdag ni Manila Rep. Rodolfo Bacani na ang kailangang ipatupad ng gobyerno ay temper justice upang mabigyan ng pagkakataon ang mga bilanggo na magbagong-buhay.
Sa kahiwalay na panukala, nais naman nina Akbayan Reps. Mario Aguja at Ana Theresa Hontiveros-Baraquel na gawin na lang reclusion perpetua o habambuhay na pagkabilanggo ang parusa sa incestuous rape. (Ulat ni Malou Rongalerios)