OFWs may benepisyong PhilHealth na

Sa utos ni Pangulong Gloria Arroyo, ang mga overseas Filipino workers o OFWs na kasapi ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ay sakop na ng National Health Insurance Program (NHIP) sa pamamahala ng Philippine Health Insurance Corp. o Philhealth.

Sinabi ni Secretary Francisco T. Duque III, pangulo ng Philhealth, na iniutos ng Pangulong Arroyo ang pagbibigay ng benepisyong Philhealth ang mga manggagawang kasapi ng OWWA sa pamamagitan ng Executive Order No. 392 na nag-amyenda sa Executive Order No. 182.

Ang bagong utos ay nagsasaad ng paglilipat ng pondong pang-medicare ng OWWA sa Philhealth upang sila ay mabigyan ng mga benepisyong sakop ng Philhealth katulad ng pang-ospital, pang-operasyon, pang-konsultasyon at mga gamot, ayon kay Secretary Duque.

Sinabi ni Secretary Duque na ang mga OFWs ay itinuturing ng pamahalaan na mga "bagong bayaning bansa" kaya sila ay binibigyan ng mga benepisyo katulad ng Philhealth medical benefits.

Mahigit sa 500,000 OFWs na rehistrado sa OWWA ang magkakabenepisyo sa bagong kautusan na ito ng Pangulo. (Ulat ni Angie dela Cruz)

Show comments