Ayon kina House Majority Leader Prospero Nograles, Assistant Majority Leader Antonio Cerilles at Surigao Rep. Prospero Pichay, ang Senado ang kinakailangang magkaroon ng quorum ngayong special session dahil maghihintay na lamang ang Kamara sa kanilang magiging aksyon sa VAT bill.
Anila, 2 buwan na ang nakakaraan nang ipasa ng Kamara ang VAT bill at nasa kamay na ngayon ng Senado ang pagpasa dito kaya dapat na nilang aksyunan ito.
Wika pa ng mga kongresista, sa sandaling ipasa ng Senado ang VAT bill ay handa naman silang makipagtulungan dahil matagal nang kailangan ang revenue measures na ito ng ating pamahalaan upang tuluyang makaahon tayo sa fiscal crisis.
"Hindi mahalaga sa Kamara ang quorum dahil magpupulong lamang kami sa sandaling maipasa ng Senado sa ikatlo at pinal na pagbasa ang VAT bill," wika pa ng 3 kongresista.
Naniniwala ang mga ito na tutugon at dadalo ang mga kongresista sa ipinatawag na special session ng Pangulo taliwas sa pangamba ni Sen. Joker Arroyo na walang magiging quorum sa Kamara. (Ulat ni Malou Rongalerios)