Holy Week bombang nakaamba na – Zaki

Inamin kahapon ng Indonesian member ng Jemaah Islamiyah (JI) na si Rohmat alyas Zaki na mas madugo ang isasagawang pambobomba ng pinagsanib na puwersa ng JI, Abu Sayyaf Group (ASG) at Moro Islamic Liberation Front (MILF) ngayong Semana Santa sa mga lungsod ng Cagayan de Oro, Davao at Metro Manila.

Ito ang kinumpirma ni Zaki sa panayam ng mga mediamen matapos siyang maaresto sa isang military checkpoint sa Maguindanao pero umapela sa kanyang mga kasamahan na huwag ng ituloy ito dahil maraming sibilyan daw ang nadadamay.

Wika pa nito, bago siya maaresto sa isang military checkpoint sa Marcos highway sa Ampatuan, Maguindanao ay nakipagpulong na siya kina ASG chieftain Khadaffy Janjalani, Abu Solaiman at Isnilon Hapilon kaugnay sa misyong Holy week bombing.

"Basta mambobomba dun sa mataong lugar, mas madugo ito," pag-amin pa ni Zaki sa wikang tagalog matapos ang 5-taon niyang pabalik-balik sa Mindanao.

Si Zaki ay iniharap sa media ng AFP kamakalawa kung saan ay itinurong sangkot sa Valentines bombing sa Davao, General Santos City at Makati. Itinuro naman ng JI member na si Janjalani ang nagpondo ng Valentines bombing at ibinigay ang P100,000 pondo para dito sa isang Abdul Basid ng MILF para isagawa ang pambobomba.

Inamin ni Zaki na mismong si ASG chief Khadaffy Janjalani at ASG spokesman Abu Solaiman ang nagplano at nag-utos ng February 14 bombings.Aniya, buhay na buhay si Janjalani taliwas sa report ng militar na napatay ito sa air strike sa Mindanao noong Nobyembre.

Wika pa ni Zaki, may 33 pang JI ang nagsasanay at kinakanlong ngayon sa Central Mindanao ni Commander Amiron Umok ng 101st Bangsa Islamic Armed Forces Brigade ng MILF na nakabase sa Mamasapano, Maguindanao. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments