Ito ang ibinulgar kahapon ni Zaki, ang nahuling top JI member, taliwas sa naunang sinabi ng mga opisyal ng militar na napatay na si Janjalani sa isinagawang air strike operations ng militar noong nakaraang taon sa Butilen Marsh, Datu Piang, Maguindanao.
Base sa isinagawang inisyal na interogasyon kay Zaki, sinabi nito na sila mismo nina Janjalani at Abu Solaiman ang nagplano ng Valentines day bombing.
Inamin ni Zaki na nasugatan siya sa air strike pero nakaligtas sa insidente si Janjalani matapos ang sunud-sunod na pagpapaulan ng bomba ng militar sa lugar kung saan sila nagdaraos ng pagpupulong para sa planong pagpapalawak ng terorismo.
Sa kabila nito ay duda naman si AFP Deputy Chief of Staff Lt., Gen. Edilberto Adan sa pahayag na ito ni Zaki na aniyay kailangan pa ng masusing beripikasyon.
Nitong nakalipas na Nobyembre 19, 2004 ay inihayag ng militar na napatay nila sa air strike operations si Janjalani kasama ang 10 pa na kinabibilangan rin ng mga miyembro ng Al-Qaeda sa Butilen Marsh.
Sa pahayag ng kanilang mga informer, nahati umano at nagkadurog-durog ang katawan ni Janjalani sa nasabing operasyon.
Matapos ang air strike sa Central Mindanao ay umalis si Janjalani patungong Tawi-Tawi sa bigong pagtatangka na tumakas patungong Malaysia subalit muling nagbalik sa nasabing lugar dahilan sa muntik ng pagkakaaresto nito ng elemento ng Phil. Marines. (Ulat ni Joy Cantos)