Sa ginanap na press briefing sa Camp Aguinaldo, iniharap ang Indonesian national na nakilalang si Zaki, at may mga alias na Rohmat, Hamdam at Akil.
Ayon sa militar, naka-engkuwentro ng mga elemento ng BI at Army Intelligence si Zaki kasama ang Pinoy na kaibigan nito na nakilala lamang sa pangalang Makmod Maido habang sakay ng motorsiklo.
Ang dalawa pang kasamahan ni Zaki ay nakatakas sakay rin ng motorsiklo.
Nakuha mula kay Zaki ang isang .45 kalibre ng baril.
Sa isinagawang interogasyon inamin ni Zaki ang kanyang tunay na pagkakakilanlan at dito nadiskubreng isa ito sa mga most wanted JI member na matagal ng tinutugis ng gobyerno.
Ang pagkakahuli kay Zaki ay dahil sa bisa ng mission order na ipinalabas ni BI Commissioner Alipio Fernandez dahil isang undocumented alien ito.
Nabatid na si Zaki ay sangkot din umano sa naganap na Valentines Day bombing sa Makati, Davao at General Santos.
Sa tinanggap na intelligence report ng BI, si Zaki ay isang bomb expert at JI liason officer para sa Abu Sayyaf.
Nakapasok si Zaki kasama pa ang 20 JI terrorists sa bansa noong January 2000 gamit ang backdoor ng bansa upang bigyan ng pagsasanay o training ang mga ASG members sa kampo nito sa Mindanao.
Si Zaki din ang naging trainor ng ASG na pinamumunuan ni Abubakar Janjalani at Abu Solaiman kung saan ang mga ito aniya ang nag-finance upang maisagawa ang Valentines Day bombing. (Ulat nina Grace dela Cruz at Joy Cantos)