Ayon kay Councilor Henry Cammayo, lider ng anim na Lakas councilor sa lungsod, hindi nila puwedeng kilalanin ang isang lider na hindi man lamang nagpatawag ng pagpupulong magmula nang ito ay matalo.
Ipinaliwanag pa ni Cammayo, na hindi birong pagbabale-wala ang ginagawa ni Malonzo sa kanila dahil pilit nitong ipinapa-appoint ang kanyang anak na si Christoper bilang kapalit ng yumaong konsehal na si Popoy Rosca.
Nag-ugat ang hindi pagkakaunawaan nina Malonzo at grupo ni Cammayo, matapos i-endorso ng Lakas councilors ang anak ni Rosca na si Kristen Joy.
Ang bumubuo ng Lakas sa konseho ng Caloocan ay gumawa ng resolusyon na may bilang 1655 upang hilingin kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na i-appoint si Kristen Joy Rosca bilang kahalili ng kanyang ama.
Magugunitang may tatlong beses nang lumiham si Malonzo sa Malakanyang upang hilingin na i-appoint ang kanyang anak na si Christoper bilang konsehal.
Sinabi naman ni Malonzo, hindi sila ang magdedeklara ng magiging kapalit kundi ang partido at sabit lamang si Cammayo sa Lakas.
Wika pa ni Malonzo, balimbing si Cammayo at palipat-lipat ng partido hanggang sa sumabit lamang sa Lakas-CMD.