Ang ginawang ito ng PriceSmart ay lalong nagpatibay sa hangarin ng mga minority stockholders ng PSMT na putulin ang kaugnayan sa kumpanyang Amerikano.
Inamin mismo ni Benjamin Woods, presidente ng PSMT, na binili ng PriceSmart ang $10.4-milyong (P572 milyon) utang nito sa IFC upang mabawasan ang napakalaking utang na hindi kayang bayaran ng PSMT.
Nauna rito, ipinahayag ni Robert Price, global chairman ng PriceSmart na masama ang kalagayang pinansiyal ng subsidiary nito sa Pilipinas.
Ang PSMT, na nagpapatakbo sa nalalabing apat na tindahan ng PriceSmart sa Metro Manila, ay 52% pag-aari ng PriceSmart at 38% naman ni William S. Go at ng E-Class Corp. Ang balanseng 10% ay hawak ng First Metro Investment Corp., ang investment arm ng Metropolitan Bank and Trust Co.
Napag-alaman din na ang ginamit ng PriceSmart na pambayad sa pautang ng IFC sa PSMT ay inutang din mula naman sa Price Group.
Ang orihinal na ipinautang ng IFC sa PSMT ay $12.5 milyon, at ito ay dapat mabayaran hanggang Hunyo 2012, kasama ang taunang interes na 7.44%.
Ang IFC ang private sector investment arm ng World Bank at sumososyo ito sa mga pribadong proyekto sa pamamagitan ng pautang o kapital upang pataasin ang kredibilidad ng proyekto at matulungan ito na makakuha ng financing at karagdagang puhunan.