Nanguna ang Shell sa pagtataas ng 50 sentimos sa presyo ng kanilang diesel, gasolina at kerosene kahapon ng madaling araw at sinundan naman ito ng mga new oil players na Sea Oil, Flying V, Eastern Petroleum at Uni Oil.
Samantala, nagbabala naman ang Consumer Oil Price Watch na hindi dito matatapos ang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo dahil sa susunod na buwan ay magtataas muli ang mga ito na aabot sa 70 hanggang 90 sentimos upang mabawi umano ng mga ito ang kanilang lugi.
Samantala, sinisi naman ni Partylist Rep. Lisa Maza si Pangulong Arroyo sa walang humpay na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo nitong mga nakaraang linggo.
Sinabi ni Rep. Maza, dapat gumawa ng hakbang si Pangulong Arroyo upang matulungan ang taumbayan sa nagiging epekto ng sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Aniya, lumalabas na inutil at walang magawa ang Palasyo sa sunud-sunod na pagtataas ng presyo ng mga oil companies.
Wika pa ng kongresista, mayroong magagawa si GMA sa pamamagitan na ituring niyang urgent ang bill na naglalayong ibasura ang Oil Deregulation Law. (Ulat nina Edwin Balasa/Malou Rongalerios)