"Dapat silang makulong upang magsilbing leksyon sa iba pang dayuhan na dumarating doon na kunwa ay maglulunsad ng lehitimong negosyo ngunit kapag nakapasok ay aabusuhin ang kanilang mga kasosyong Pilipino at ang kagandahang-loob ng pamahalaan," ayon kay William Go, isa sa mga minority stockholders ng PSMT.
Sina Go at ang E-Class Corp. na pag-aari rin ng mga Pilipino ay nagsampa ng kasong kriminal noong Enero 20, 2005 sa Pasig City Regional Trial Court laban kina Woods, Robert Gans, Jamaa Cahill, Joh Hefner, Zeus Aboy at ilang John Does dahil sa umano'y ilegal na paggamit ng pondo ng PSMT.
Ang ginawang pag-amin ni Woods sa kanyang testimonya sa korte ay lalong nagpalakas sa kaso at maaaring magbunga pa ng ibang kaso laban sa kanya, gaya ng tax evasion at paglabag sa mga batas sa imigrasyon at paggawa.
Partikular na tinukoy ang mahigit P30.15 milyon na ibinayad ng PSMT sa PriceSmart noong 2002 at 2003 bilang stewardship fees na wala sa anumang kasunduan.
Para mapalusot at gawing legal ang stewardship fees, pumirma umano si Woods sa isang Purchasing Agency Agreement kahit walang pahintulot ang board. (Ulat ni Ellen Fernando)