Susunod na PNP chief piliing mabuti

Umapela kahapon ang isang grupo ng mga junior officer ng Philippine National Police (PNP) kay Pangulong Arroyo na maging maingat sa paghirang ng susunod na mamumuno sa pambansang pulisya.

Ito’y sa gitna na rin ng nakatakdang pagreretiro sa darating na Marso 13 ni outgoing PNP Chief P/Director General Edgar Aglipay.

Gayundin ginawa ng grupo ang panawagan kaugnay ng lumabas na resulta ng survey ng Social Weather Station (SWS) na nagsasabing pang-apat sa pinakatiwaling ahensiya ng gobyerno ang PNP.

Ayon sa grupo mas pabor sila kung mga kahalintulad ng kategorya ni PNP-National Capital Region Police (NCRPO) Chief P/Director Avelino ‘Sonny’ Razon Jr. ang maluklok sa puwesto.

Dinagdag pa ng mga junior officers na ayaw nang magpabanggit ng pangalan na naniniwala sila sa kakayahan ni Razon na linisin ang hanay ng PNP dahil mayroon itong tinatawag na ‘moral ascendacy’ hanay ng kapulisan.

Bukod dito mahusay din anila sa paglaban sa mga terorista si Razon dahil ito mismo ang nakadiskubre ng planong pananabotahe sa World Trade Center sa New York noon pang 1995 subalit hindi ito pinansin ng Federal Bureau of Investigation ng Estados Unidos.

Magugunitang nadiskubre ni Razon ang plano ng mga terorista noong ito pa ang hepe ng Western Police District sa lungsod ng Maynila. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments