Ayon kay Ivy Grace Tarongoy, muli silang nabuhayan ng loob noong makarating sa kanila ang ulat na ipinakita ng Al Jazeera TV sa Doha Qatar ang video fotages ng kanyang mister na patuloy na umaapela sa pamahalaan para ibigay ang demand ng kanyang mga abductor.
Sinabi ni Grace, natuwa siya noong makumpirmang buhay pa ang asawa ngunit muling naiyak at nalungkot noong malaman na pupugutan na ito ng ulo bukas kapag hindi ibinigay ang hinihiling ng mga bandidong Iraqi na pabalikin sa bansa ang may 6,000 OFW at bitiwan ang ibinibigay na suporta ng gobyerno sa bansang Amerika.
Inihayag ni Grace na tila nabunutan sila ng tinik sa lalamunan dahil sa loob ng mahigit na apat na buwan mula ng dukutin ang kanyang mister ay ngayon lamang nagkaroon ng katibayan na buhay pa ito.
Nananawagan naman ang mga magulang ni Robert na sina Tomas Belarmino at Isabelita Villaflor, na muling ipagdasal ang kanilang anak tulad ng ginawang pagdarasal noong hawak pa ng mga kidnappers ang OFW na si Angelo Dela Cruz.
Sa panig naman ng pamahalaan, partikular sa Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of Foreign Affairs (DFA) ay nagsabing ginagawa nila ang lahat ng paraan para mapalaya at makauwi ng buhay si Tarongoy.
Tumanggi naman ang mga opisyal ng DOLE at DFA na idetalye ang kanilang ginagawang hakbang at negosasyon para huwag ng pugutan si Tarongoy.
Base sa rekord ng DOLE, si Tarongoy ay dinukot ng mga bandido noong Nobyembre 1, 2004 kasama ang apat pang dayuhan makaraang salakayin ang compound ng Saudi Arabia Trading Co. na nasa Baghdad Upscale sa Mansour District.
Sinasabing ang apat na kasamang bihag ay napalaya na ngunit si Robert ay hawak pa dahil hindi pa umano naibibigay ang demand ng mga bandido. (Ulat nina Mer Layson/Grace dela Cruz)