Ang direktiba ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na "no ceasefire" ay bilang tugon sa rekomendasyon ni AFP chief General Efren Abu base sa ginawa niyang pagtaya sa sitwasyon sa Sulu.
"I am pleased that the AFP have cleared and now in control of 45 locations that have served in the past as lairs and sanctuaries for terrorists and lawless elements. I know that many peace loving citizens of Sulu expressed their approval when our soldiers cleared the enemy camps. Our armed forces are supported by the people," anang Pangulo.
Sa isang press briefing, sinabi ni Press Sec. at Presidential Spokesman Ignacio Bunye na inatasan na ng Pangulo ang mga sundalong militar na ipagpatuloy ang operasyon laban sa tinutugis nilang mga rebelde na nagkawatak-watak na at sampahan ng kaso ang mga taong responsable sa pag-atake sa himpilan ng militar noong Pebrero 18.
Inatasan na aniya ng Pangulo ang AFP at PNP na bigyan ng kaukulang seguridad ang mahigit sa 7,000 kataong nagsilikas na ngayon ay nagsisibalik na sa kani-kanilang tahanan sa pakikipagtulungan ng Office of the Presidential Adviser on the Peace Process, DSWD at Mindanao Economic and Devt Council.
Magtatalaga rin ng Engineering Battalion ang AFP upang tumulong sa rehabilitasyon ng mga lugar na apektado sa bakbakan sa Sulu. (Ulat ni Lilia Tolentino)