Sinabi ni Brig. Gen. Agustin Demaala, Joint Task Force Comet commander, umabot na sa 30 rebeldeng Muslim ang napaslang habang 17 sundalo naman ang nasawi sa ikalawang araw ng sagupaan sa pagitan ng mga sundalo at rebelde sa Seit Lake sa Panamao, Sulu.
Kamakalawa ay tinambangan ng mga taga-suporta ni dating ARMM Gov. Nur Misuari kasama ang ASG ang isang platoon ng Marine Batallion Landing Team na lulan ng 6 x 6 trak sa Sityo Wani, Barangay Pansul, Patikul, Sulu kung saan ay pitong sundalo ang nasawi habang 12 ang nasugatan.
Nabatid sa ulat na naglunsad ng malawakang pag-atake ang tagasuporta ni Misuari kasanib ang ASG laban sa tropang militar sa ibat ibang lugar sa Sulu bilang paghiganti sa patuloy na pagtutol ng pamahalaan na litisin ang kanilang lider sa Sulu.
Kasalukuyang nakakulong si Misuari sa Fort Sto. Domingo sa Sta. Rosa, Laguna kung saan ay nililitis ang kasong rebelyon nito. (Ulat ni Joy Cantos)