CAP may pambayad sa planholders

Iginiit kahapon ng College Assurance Plan (CAP) na mayroon silang P10 bilyong trust fund bukod sa $300 milyong loan mula sa First American Investment Ltd. upang mabayaran ang kanilang mga plan holders taliwas sa napaulat na bagsak na ang kanilang kumpanya.

Ito ang binigyang-diin ni Atty. Enrique Sobrepeña Jr., pangulo at chief operating officer ng CAP, matapos dumalo sa isinagawang public hearing ng senate committee on banks and financial institutions kaugnay sa tunay na kalagayan ng nasabing pre-need company.

Wika pa ni Atty. Sobrepeña, ang kinakailangan lamang nila ay $80 milyon para tugunan ang sinasabing liquidity problems habang $300 milyon ang kanilang naaprubahang loan sa First American Investment bukod sa nakaantabay nilang $100 milyon mula sa isang Canadian company.

"CAP is not insolvent and in fact had retained earnings of P7 billion in 2003 and not a loss as being claimed by those who wants us out of the picture," wika pa ng CAP head.

Nilinaw ni Sobrepeña na walang dapat ipag-alala ang kanilang mga plan holders dahil may sapat na kakayahan ang CAP para bayaran ang obligasyon nito sa kanilang mga kliyente.

"The lack of a dealer’s license has caused tremendous strain in our cash flow since credit lines with the banks could not be tapped, collections are down and investors are on a wait-and-see-attitude," wika pa ni Sobrepeña kaugnay sa pagsuspinde ng Securities and Exchange Commission (SEC) noong Agosto 13, 2004 sa kanilang dealer’s license.

Sinabi naman ni Sen. Ramon Magsaysay Jr., hindi ito ang panahon ng sisihan bagkus ay dapat tulungan ng pamahalaan ang CAP na muling makabangon bilang pioneer na pre-need company sa bansa. (Ulat ni Rudy Andal)

Show comments