Cholera outbreak: 7 anyos dedo, 50 na-ospital

Matapos ang kinatatakutang sakit na meningococcemia, isang 7-taong gulang na batang babae ang nasawi habang 50 katao pa ang kasalukuyang nakaratay sa ospital matapos na dapuan ng nakamamatay na sakit na cholera nang magkaroon ng outbreak sa apat na barangay sa Eastern Visayas.

Hindi tinukoy ng Department of Health (DOH) ang pangalan ng batang nasawi ngunit kinumpirma nilang cholera ang dahilan ng pagkamatay nito na sinasabing residente ng Brgy. 38, nasabing lalawigan.

Sa ipinalabas na laboratory findings, ng Central Office ng DOH mula sa mga residente, sinasabing "cholera infection" ang naging dahilan ng pagkamatay ng biktima.

Sinabi ng chairman ng nasabing barangay na si Nicanor Pastorfile na may kabuuang 20 bata mula sa kanyang nasasakupan ang nakaratay ngayon sa pagamutan bukod pa ang mga pasyente na residente ng kalapit nitong Brgy. 37, Reclamation Area 39 at Brgy. Nula-Tula.

Nabatid na nagmula sa maruming tubig ang pagkakasakit ng mga residente ng apat na barangay kung kaya nanawagan si Pastorfile sa pamahalaan na tulugan ang kanyang mga kababayan.

Dahil dito, agad namang nagpadala si Health Sec. Manuel Dayrit ng medical team sa lugar para sa agarang tulong sa mga maysakit at matukoy kung saan nagmula ang maruming tubig na nainom ng mga pasyente. Nagsasagawa na rin ng hakbang ang DOH upang masugpo ang paglaganap pa ng nasabing sakit sa naturang mga barangay. (Ulat ni Mer Layson)

Show comments