Ayon kay AFP spokesman Brig. Gen. Alexander Yano, isang reliable source na kasamahan ni George Madlos alyas Ka Cris, miyembro ng Mindanao Commission ng CPP ang nagbulgar na pinatawan ng "disciplinary action" si Ka Roger dahilan sa paglikha nito ng gusot sa pagitan ng mga lider ng rebolusyonaryong komunistang kilusan.
Sinabi ni Yano na ang nasabing disciplinary action laban kay Ka Roger ay napagdesisyunan ng mga lider ng CPP Central Committee.
Kabilang umano sa nasabing mga isyu na naging dahilan ng alitan ng mga lider ng CPP ay ang isyu ng nabulilyasong destabilisasyon laban sa gobyerno na binalak isagawa noong libing ng yumaong si action king Fernando Poe Jr.
Ikinagalit pa umano ng mga lider ng CPP Central Committee kay Ka Roger ay ang pagbibitaw nito ng mga pahayag na sarili niyang opinyon at di man lamang ikinokonsulta sa mga lider ng kanilang samahan.
Kaugnay nito, sinabi pa ni Yano na determinado ang liderato ng CPP sa panawagan ng mga ito sa kanilang mga tauhan na palakasin pa at paigtingin ang opensiba laban sa administrasyon ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na nakasaad sa kanilang mensahe sa kalatas na inaasahang isasapubliko sa ngayong araw ng kanilang ika-36 taong selebrasyon ng pagkakatatag. (Ulat ni Joy Cantos )