Sinabi ni Fidel Agcaoili, opisyal ng NDF, psywar lamang ng gobyerno ang idineklarang ceasefire upang magapi ang kilusang komunista dahil sa kabila ng ceasefire ay umaatake pa rin ang pulisya at militar.
Unang nag-alok ng 3 linggong unilateral ceasefire mula Disyembre 15 hanggang Enero 5 si Pangulong Arroyo sa Communist Party of the Philippines-New Peoples Army (CPP-NPA) ngayong Kapaskuhan pero mariing ibinasura ito ng kilusang komunista.
Sinabi ni Agcaoili, nakahanda ang NDF na muling bumalik sa negotiating table para sa peace talks subalit hindi sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Arroyo.
"But the prospects for resumption under the Arroyo regime are dim," wika pa ni Agcaoili.
Nanawagan din ang liderato ng CPP-NPA-NDF sa lahat ng pwersang guerilla sa buong bansa na maging handa sa anumang pag-atake ng militar at pulisya ngayong Kapaskuhan.
Sinabi ni Lt. Col. Buenaventura Pascual, AFP-PIO chief, nakahanda ang militar sa anumang gagawing pag-atake ng NPA sa kabila ng inaalok na ceasefire ng pamahalaan.
"We will respond, if the NPA attacks the government installations, business establishments, we are ready. We are on alert, pero sana magbago sila sa kanilang pananaw at ma-feel nila ang spirit of Christmas. Basta kami ay nasa defensive position lamang," wika pa ni Lt. Col. Pascual.
Naunang ipinahayag ni AFP chief of staff Gen. Efren Abu na sakaling labagin ng CPP-NPA ang inaalok na 3-week unilateral ceasefire ay irerekomenda niya kay Pangulong Arroyo na kanselahin ito.