Last deadline tapos na!

Natapos kagabi ang ika-lima o pinakahuling taning na ibinigay ng Afghan rebels para sumunod sa kanilang mga demand kapalit ng pagpapalaya sa Pinoy hostage na si Angelito Nayan at sa dalawa pang dayuhan.

Ayon sa nakalap na impormasyon ng Department of Foreign Affairs (DFA) kahapon, pinagbigyan ni Mullah Sayed Mohammad akbar Agha, lider ng Jiash-e-Muslimeen o Army of Muslims, ang grupo na bumihag kina Nayan, ang request ng United Nations (UN) sa Afghan authorities na mag-usap muna, subalit nagbanta ang mga rebelde na uumpisahan na nilang pumatay ng bihag kapag hindi sila sinipot ng mga negosyador.

Sinasabing nasa mahinang kalusugan ang tatlong bihag at hindi na pinapakain. Kasama ni Nayan ang dalawang dayuhang sina Annetta Flanigan ng Northern Ireland at Shqipe Hebibi ng Kosovo.

Kabilang sa mga demand ng mga rebelde ang pagpapalaya sa mga Taliban prisoners mula sa mga US military camp sa Guantanamo Bay, Cuba at ibang Afghan jails, at ang pag-pullout sa British troops at UN sa Afghanistan.

Ang tatlo na sakay ng kanilang service vehicle ng harangin ng mga kidnaper may isang linggo na ang nakakalipas ay kabilang sa UN contingent na tumulong sa Oct. 9 presidential election sa Afghanistan.

Patuloy pa ring nakikipag-ugnayan ang grupo ni Foreign Affairs Sec. Alberto Romulo sa Afghan government at UN sa mga kaganapan ng negotiation.
Tarongoy Release Di Kinumpirma
Samantala, hindi kinumpirma ng DFA ang ulat na napalaya na ang Pinoy accountant na si Robert Tarongoy na nakidnap naman sa Baghdad, Iraq.

Ayon kay DFA spokesman Gilbert Asuque sa isang press briefing kahapon, wala pa silang nakukuhang impormasyon sa embahada ng Pilipinas sa Baghdad hinggil sa nasabing impormasyon.

Sinabi ni Asuque na base sa ulat ni Philippine Charge’ Affaires to Baghdad Ricardo Endaya, hindi pa nila hawak si Tarongoy. Iginiit nito na hanggang wala sa kustodya nila si Tarongoy ay hindi nila matitiyak na talagang pinakawalan na nga ito ng mga grupong bumihag sa kanya kasama ang ibang dayuhan.

Base sa report, pinakawalan na si Tarongoy at isang kasamang bihag na si Unos Kawari, isang Nepalese. Kinumpirma ang paglaya ng Nepalese, subalit hindi masabi kung nasaan si Tarongoy.
Evacuation Ng OFWs Sa Iraq Sinimulan
Ikinasa na ng pamahalaan ang contingency plan at evacuation sa mga OFWs na nasa Iraq dahil sa patuloy na pambobomba at pagdukot sa mga dayuhang manggagawa doon kasunod ng kinakaharap ng pamahalaan na double hostage crisis kina Angelito Nayan sa Afghanistan at Robert Tarongoy sa Iraq.

Maaapektuhan sa paiiraling evacuation ang mga manggagawang Pinoy na nasa labas ng US military camp o hindi kontrolado ng US military sa Iraq.

Maging ang mga pumuslit patungo sa Iraq ay tutuntunin ng embahada at puwersahang pauuwiin.

Show comments