Personal na nagtungo sa tanggapan ng Inventionhaus International sa President Tower sa Timog Avenue, Quezon City si Hagedorn para saksihan kung paano ikinakabit ang nakakahangang gas-saving device sa kanyang sasakyan.
Ayon sa mayor na minsan nang naisapelikula ang buhay, simula nang mabalitaan niya ang galing at husay ng Khaos Super Turbo Charger (KSTC) ay nagplano na kaagad siyang magpakabit nito.
Ang KSTC (www.khaos.com.ph) ay maipagmamalaki aniya hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong mundo dahil sa laki ng tulong nito na magpatipid sa konsumo ng panggasolinang sasakyan, gayundin sa pagiging zero pollution nito.
Lalo pang naengganyo si Hagedorn nang magpakabit ng turbo sina Energy Sec. Vince Perez at DENR Sec. Mike Defensor.
Ang dalawang opisyal ay kapwa nakasaksi kung gaano kaepektibo ang imbensiyon ni Pablo Planas. Nagpakabit si Perez ng KSTC sa kanyang Honda Accord na sasakyan, habang isang DENR staff car naman ang pinakabitan ni Defensor.
Kapwa rin nagpahayag ng suporta ang dalawang sekretaryo na nagsabi pang darating ang araw ay ilalako na rin sa abroad ang naturang tipid-gas gadget.
Sa punto ni Hagedorn, naniniwala rin siyang magiging patok sa kanyang probinsiya ang KSTC.
Binigyang-diin naman niya na sulit ang ibinayad niyang P6,500 kung pagtitipid sa gasoline at pagtatanggal ng usok ng sasakyan ang pag-uusapan.