Ayon kay Laguna Rep. Benjamin Agarao, siguradong malaki ang banta sa buhay ni Garcia at hindi malayong ipapatay ito ng mga heneral na posibleng sumabit sa katiwaliang nangyayari sa hanay ng AFP.
Naniniwala si Agarao na may kinalaman sa katiwalian sa militar ang iba pang matataas na opisyal na siguradong nagpaplano na ngayong patahimikin si Garcia upang hindi na mabunyag pa ang kanilang mga pangalan.
Aniya, mas imposible na magkaroon ng malaking kayamanan si Garcia nang hindi nalalaman ng mas nakatataas sa kanya.
Kasabay nito, inihayag ng tagapagsalita ng AFP na si Dep. Chief of Staff Maj. Gen. Edilberto Adan na kanila ng isasailalim sa court martial si Garcia dahil sa kasong "gross dishonesty at gross misconduct" bilang isang opisyal ng AFP.
Ayon kay Adan, si Garcia ay nahaharap sa kasong conduct unbecoming an officer and a gentleman sa ilalim ng Articles of War 95, AW 96 o fraud against the government.
Sinabi ni Adan na nabigo si Garcia na ideklara ang kanyang totoong statement of assets and liabilities (SALN).
Samantala, itutuloy pa rin ngayon ng House committee on national defense sa pamumuno ni Parañaque City Rep. Roilo Golez ang isasagawang imbestigasyon kaugnay sa talamak na katiwalian sa AFP kahit hindi dumating sa pagdinig si Garcia na unang nagpasabi na may matinding karamdaman dahilan ng kanyang di pagdalo sa unang itinakdang committee hearing.
Layunin ng imbestigasyon na makapagpasa ng panukalang batas upang mapigilan ang nangyayaring katiwalian.
Nakatakdang isalang sa imbestigasyon ang maraming opisyal upang alamin kung gaano kalawak ang graft and corruption sa militar.
Sinabi naman ni Anakpawis Party-list Rep. Crispin Beltran na hindi nila palalagpasin ang "cover-up" na maaaring gawin ng mga lider ng militar upang hindi mabuko ang kanilang lawak na katiwalian.
Aniya, posibleng utos ng mga nakatataas na opisyal ng AFP ang hindi pagsipot ni Garcia sa hearing na isinagawa ng Kongreso.
Iginiit din ni Bayan Muna Party-list Rep. Joel Virador kay Pangulong Gloria Arroyo na iutos kaagad sa Bureau of Immigration na magpalabas ng hold departure order at ilagay sa house arrest si Garcia upang masigurong hindi ito makalalabas ng bansa.
Nilinaw naman ni AFP-PIO chief Lt. Col Daniel Lucero na walang isasagawang loyalty check sa hanay ng mga sundalo matapos ang balitang may namumuo na namang panibagong kudeta dahil sa anomalya sa militar. (Ulat nina Malou Rongalerios at Joy Cantos)