Sa ulat na nakarating sa Catholic Bishop Conference of the Philippines (CBCP), nabatid na ganap na alas-5:35 ng hapon nang isugod sa nasabing pagamutan ang dating arsobispo ng Maynila.
Base sa ulat, agad na ipinasok sa Intensive Care Unit (ICU) si Sin makaraang mabatid na malubha ang kanyang kalagayan nang umatake umano ang sakit nito sa puso.
Ayaw namang magbigay ng iba pang impormasyon ang mga doktor sa naturang ospital maliban lamang sa pagsasabing ginagawa nila ang lahat para makaligtas at maisalba ang kanyang buhay.
Nauna rito, ilang beses na ring naratay si Sin dahil sa panghihina ng kanyang kalusugan bunga na rin ng nasabing sakit.
Sa ngayon ay hinihiling ng pamunuan ng CBCP na ipagdasal ang arsobispo para sa kanyang mabilis na kagalingan.
Si Sin ay itinuturing na "makapangyarihan" sa larangan ng pulitika at sinusunod halos lahat ng Katoliko ang kanyang mga pangaral at panawagan.
Isa siya sa nanguna sa pakikibaka hanggang sa mapatalsik sa kapangyarihan ang dating diktadurang Marcos at naging malapit siya sa liderato nina dating Pangulong Fidel V. Ramos at Corazon Aquino.
Siya rin ang isa sa mga maimpluwensiyang personalidad upang tumuligsa sa pamamalakad ni dating Pangulong Joseph Estrada.(Ulat ni Mer Layson)