Sec. Saludo nagbitiw!

Matapos ang isang ‘word war’ kay Senate President Franklin Drilon, nagbitiw kahapon sa tungkulin si Deputy Presidential Spokesman Ricardo Saludo.

Sa kanyang liham kay Pangulong Arroyo, idinahilan ni Saludo na masyado nang okupado ang kanyang panahon bilang Cabinet secretary bukod pa sa pagiging acting Presidential Management Staff chief at hindi na nito kakayanin pa ang trabaho bilang deputy presidential spokesman.

Ayon kay Press Secretary at Presidential Spokesman Ignacio Bunye, dumaming masyado ang trabaho ni Saludo bilang Cabinet secretary dahil sa mga pulong ng Gabinete at implementasyon ng mga direktibang ipinalalabas ng Pangulo.

Kamakalawa ay inakusahang ignorante ni Drilon si Saludo matapos sabihin ng huli na hindi na kailangan ang debt cap dahil nagtatalaga na ng limitasyon ang administrasyon sa mga utang nito.

Sinabi pa ni Saludo na kailangang mangutang pa ang gobyerno hindi lang pambayad kung hindi pampuno sa budget deficit.

Ayon kay Drilon, ang kanyang panukalang "Debt Cap Act’ o Senate Bill 1118 ay naglalayong kontrolin ang pangungutang sa loob ng 10 taon upang matiyak na may sapat na halagang pambayad ang gobyerno sa mga naunang utang.

Sa ilalim ng Debt Cap bill, hindi dapat lumampas ng 100% sa Gross Domestic Product ng bansa ang mga utang ng government owned and controlled corporations (GOCCs) na siyang itinuturong pinakamalaking mangungutang ng bansa.

Nagtataka si Drilon dahil matapos ihayag ng Malacañang ang panukala ng Senado na limitahan ang domestic at foreign debts sa susunod na lima hanggang 10 taon ay saka naman nagdaldal si Saludo na hindi kailangan ang debt cap.

"The reason why the Arroyo administration and its communication arm seems to be in utter disarray is because we have ill-advised characters like deputy spokesman Ricardo Saludo who apparently does not know what he is talking about," ayon pa kay Drilon. (Ulat nina Lilia Tolentino at Rudy Andal)

Show comments