Ito ang mga pangambang ipinahayag ng national president ng Philippine Association of Water Districts Inc. (PAWD) na si Engr. Ranulfo Feliciano kasabay ng motion for re-examination na inihain niya sa Korte Suprema.
Layunin ng mosyon ni Feliciano, general manager ng Leyte Metropolitan Water District, na muling pag-aralan kundi man tuluyang ibasura ang nauna nitong desisyon na kung saan ay nabalewala ang tax exemption privilege ng LWDs base na rin sa nasasaad sa Presidential Decree No. 198, ang batas na siyang nagbigay-daan para sa pagbubuo ng mga LWDs.
Sa nasabing desisyon ng SC, idineklara nito sa lahat ng LWDs ay government-owned and controlled corporations kaya dapat silang patawan ng buwis.
Ang ilan sa mga buwis na sisingilin sa mga LWDs ay income, franchise, corporate, at iba pang mga kauri nito maliban pa sa awtomatikong pagbibigay ng mga LWDs ng 50 porsiyento ng kita nila gaya na rin ng nasasaad sa Section 14 ng R.A. No. 7656.l
Sinabi naman ni Feliciano na kung hindi pag-aaralang mabuti ng mga mahistrado ang SC ang nasabing desisyon ay mapipilitan ang lahat ng LWDs sa buong bansa na ipasa ang responsibilidad sa mga mamamayan.
Sa tantiya ni Feliciano ay malamang magtaas ang mga LWDs ng singil sa water bills ng mahigit pa sa 200 porsiyento sa kasalukuyan nilang ipinapataw sa may 25 milyong subscribers ng LWDs.
"Wala naman kasi kaming tinatanggap na subsidy, pati equity mula sa gobyerno kaya pag hindi kami nagtaas ng singil ay siguradong mauubos ang anumang resources na meron kami at ganoon din naman ay hindi namin maibibigay ang mga karampatang serbisyo na dapat naming ibigay sa mga tao," paliwanag ni Feliciano. (Ulat ni Grace dela Cruz)