'Big bang' sa 'Pinas nakaamba

Nagbabala kahapon si Interior and Local Government Sec. Angelo Reyes na malaki ang posibilidad na abutin ng mga pagsabog at terorismo ang Pilipinas tulad ng nangyaring bombing sa Jakarta, Indonesia kung saan anim katao ang namatay at mahigit 100 ang iniulat na nasugatan.

Dahil dito, inatasan ni Reyes ang lahat ng mga governor, city at municipal mayors upang paigtingin ang kanilang monitoring laban sa posibleng pag-atake ng mga terorista sa kani-kanilang mga nasasakupan.

Aniya, hindi dapat na mangyari sa bansa ang naganap sa Indonesia kaya mahigpit niyang ipinatutupad sa mga local executives ang pagiging alerto ng kanilang mga pulis sa mga kahina-hinalang mga grupo at sasakyan.

Bukod dito, inatasan din ni Reyes ang mga governor at mayor na pag-aralan at palakasin ang kanilang Integrated Area at Community Public Safety Plans partikular na ang anti-terrorism component.

Inabisuhan din ni Reyes ang mga local executives na agad na makipag-ugnayan sa AFP at PNP upang agad na masolusyonan ang pangamba ng publiko.

Kasabay nito, pinadodoble ni Reyes kay PNP chief Director Gen. Edgar Aglipay ang pagbibigay ng seguridad sa mga vital installation sa bansa na kinabibilangan ng mga embassy, consular offices, oil depot, bus terminals, shopping malls, LRT at MRT na posibleng target ng mga terrorist group.

"Mas mabuti na ang handa kaysa may madamay na inosenteng mamamayan," dagdag ni Reyes.(Ulat ni Doris Franche)

Show comments