Ang Supreme Court ay bumuo ng Judicial Security Committees kung saan ang layunin nito ay bigyan ng protection ang mga hukom sa bansa laban sa mga harassment, threat at maipagtanggol ang kani-kanilang sarili.
Sa dalawang pahinang resolution, nakasaad dito ang pagbuwag sa mga itinalagang Heinous Crime Courts sa buong bansa dahil napakadali umanong tukuyin ang mga hukom na humahawak ng mga komplikadong kaso at ito ay napaka-delikado sa kanilang buhay.
Ang Administrative Order No. 104-96 ang nagtalaga ng mga korte sa Regional Trial Court na siyang hahawak ng mga karumal-dumal na krimen.
Sa ilalim pa ng Sec. 881 ng Revised Penal Administrative Code, ang mga hukom ay pinapayagan na makapagdala ng baril sa labas ng kanilang bahay kahit pa walang permit-to-carry na nagmumula sa Philippine National Police.
Magugunita na ang pinakahuling hukom na pinaslang sa taong ito ay si Tanauan, Batangas RTC Judge Voltaire Rosales. (Ulat ni Grace Amargo-dela Cruz)