Inakusahan ni Santiago, chairman ng Senate committee on energy, na lumabag si Ramos sa anti-graft at anti-plunder laws ng bansa nang paboran nito si Catalino Tan na kanyang kinakapatid upang makuha ang P3.2 bilyong kontrata noong 1993 sa naturang proyekto.
Sa kanyang 12-pahinang privilege speech, sinabi ni Santiago na tumanggap si Tan ng P1.5 bilyon kahit na hindi naman nito naisaayos ang planta.
Wala naman aniyang alam si Tan sa pag-ayos ng planta dahil ang negosyo nito ay ang pagiging supplier ng mga bota sa militar, garments, manufacturer at producer ng canned goods na may opisina sa Lakas Tao Bldg. sa Estraude St., Binondo, Manila.
Ninong umano ni Tan si Narciso Ramos, ang ama ng dating Pangulo at isa ito sa mga contributor kay Ramos at sa mga proyekto ng anak nitong si Jo.
Bukod sa dating Pangulo, idinawit ni Santiago sina dating Napocor pres. Guido Delgado, dating chairman ng SEC appointed committee Anthony Escolar at ret. Brig. Gen. Mariano Espina, na naging VP for operations ni Tan noong 1995-1997. (Ulat ni Rudy Andal)