Ayon kina Reps. Wilhelmino Sy-Alvarado (Bulacan) at Aurelio Umali (Nueva Ecija), kaunlaran para sa mga lalawigan sa Central Luzon ang idudulot ng nasabing proyekto at itutulak ng nasabing proyekto ang malawakang pamumuhunan at pangangalakal sa kanilang mga lalawigan.
Iuugnay ng North Rail Transit ang dulong hilagang bahagi ng Metro Manila sa mga lalawigan ng Bulacan at Pampanga.
Sinabi pa ni Alvarado na ang unang bahagi ng proyekto ay ang paglalatag ng 32.2 kilometrong riles mula Caloocan City hanggang Malolos City kung saan anim na istasyon ang itatayo sa mga pagitan ng Caloocan, Malabon, Bocaue, Marilao at Malolos.
Batay sa pag-aaral ng North Luzon Railways Transport, aabutin lamang ng kabuuang 45 minuto ang biyahe mula Caloocan hanggang Malolos, kumpara sa kasalukuyang 145 minutong biyahe kung sasakay ng pampasaherong bus.
Idinagdag ni Alvarado na aabot lamang sa kabuuang P42 ang pamasahe sa tren kumpara sa P70 na pamasahe sa bus o P10 sa unang sakay at piso sa bawat kilometrong tinatakbo nito.
Ipinagdiinan naman ni Umali na ang pagpapatayo ng North Rail Transit ay pagpapakita sa katatagan ni Pangulong Arroyo na pag-ugnay-ugnayin ang kalakhang Maynila sa kalapit na lalawigan nito upang maging patas ang kaunlaran para sa lahat.
Sakaling matapos ang proyekto sa taong 2007, magdudulot ito ng ibayong pagbabago sa kanilang lalawigan dahil magiging kaaya-aya na ang pagbiyahe mula Maynila hanggang Clark, wika pa ni Umali. (Ulat ni Malou Rongalerios)