Kinilala ni Armys 6th Infantry Division Commander Major Gen. Raul Relano ang nasawing si Kurato Tapuyak alyas Anton, sub-commander ng nasabing kidnap gang.
Sinabi ni Relano na si Tapuyak na ang namuno sa grupo ng mga kidnaper matapos na masawi si Alonto.
Nabatid na bandang alas-8: 45 ng gabi nitong Huwebes nang makasagupa ng Armys 604th Infantry Brigade sa ilalim ng pamumuno ni Col. Jerry Jalandoni at ng mga elemento ng Tacurong City police ang grupo ng Pentagon na nag-ooperate sa Central Mindanao sa bayan ng Brgy. Kayaga, Buluan kamakalawa ng gabi.
Si Tapuyak ay sangkot sa serye ng kidnapping at criminal operations sa Central Mindanao. Kabilang dito ang pagdukot sa 3-anyos na batang si Jestor Horiador ng Bgy. Tina, Tacurong City noong Marso 25, 2003; pagpatay kay Master Sgt. Tupas ng Armys 38th Infantry Battalion noong 1998 sa Bgy. Kayaga. Buluan; pangha-hijack ng 10-wheeler truck na naglalaman ng 700 sako ng bigas noong 2002 sa Buluan; pananambang ng mga empleyado ng pamahalaang lungsod ng Tacurong noong Oktubre 25, 2003 na ikinasawi ng dalawa katao at holdapan sa Kayaga noong Mayo 11, 2003.
Si Tapuyak kasama ang dalawa pang suspek na kinilalang sina Michael Pompong alyas Bembol Roco at Ramon Delaten ay may warrant of arrest sa kasong robbery at double homicide sa Tacurong City.
Bago ang engkwentro si Tapuyak kasama ang 17 pang armadong tauhan ng Pentagon KFR ay namataan sa hangganan ng mga bayan ng Buluan at Datu Paglas na naging target ng military operations. (Ulat ni Joy Cantos)