Isang milyong piso ang ipinangako ng Pangulo na ibibigay sa fund drive na tinawag na "Pera para sa Pilipinas Fund" at partikular na ilalaan sa pagpapagawa ng 20,000 classrooms at computers para sa mga estudyante sa pampublikong paaralan.
Pinasalamatan din ni de Venecia si Bishop Fernando Capalla at iba pang pari mula sa Mindanao dahil sa positibo nilang pahayag hinggil sa fund drive.
Nakiisa rin sa proyekto ang Siliman University Alumni Association na ini-auction ang kanilang mga alahas para makalikom ng pondo.
Layunin ng fund drive na makalikom ng nasa P5 bilyon.
Ang Koalisyon ng Isang Daan na pinamumunuan ni Mike Varela at Sergio Ortiz-Luiz ay nangakong magbibigay ng tig-P100M at ang bawat isa sa kanilang mga miyembro ay mag-aambag ng tig-P1 milyon.
Nangako rin ang Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce na pinamumunuan ni Robin Sy at executive director Francis Chua na magbibigay ng P56 milyon at ang Fil-Chinese Business Club ay $300,000 o P16 milyon.
Tatlong Cabinet secretaries, sina Vince Perez (Energy), Cesar Purisima (DTI) at Arthur Yap (Agriculture) ang nangakong magbibigay ng tig-P500,000 samantala sina Reps. Iggy Arroyo at Mikey Arroyo ay tig-P1 milyon.
Si Lucio Tan at business leader Jimmy Tang ay nagbigay ng tig-P2 milyon bawat isa, samantalang tig-P1 milyon sina Robin Sy, Franchis Chua, William Go, Joseph Chan, Alfredo Jao, Henry Liong at Domingo Chan.
Nagbigay naman ng tig-P500,000 sina John Tan, Robert Siychian, Joseph Lim, Ceferino Benedicto, Stephen Sy, William Co, Rufino Copio, Siyap Chua at Joaquin Soliman.
Kahapon ay ibinigay na rin ng Department of Justice ang P2 milyon pondo nito mula sa intelligence fund nito. (Malou Rongalerios)