Ayon kay Press Secretary at Presidential Spokesman Ignacio Bunye, ang terminong fiscal crisis na ginamit ng Presidente ay isang "technical term" para ihayag sa publiko ang mabigat na sitwasyong dinaranas na handa namang lutasin ng pamahalaan.
Ang pagkakabanggit ng Pangulo na mayroong fiscal crisis sa bansa ang nagbunsod sa pagbagsak ng stock market at pagbaba ng halaga ng piso sa palitan laban sa dolyar.
Sinabi ni Bunye na walang katotohanan na ang terminong fiscal crisis na ginamit ng Presidente ay para pilitin ang Kongreso na ipasa ang walong bagong buwis na isinusulong ng Palasyo para makalikom ng dagdag na P10 bilyong pondo bawat taon.
Sinabi ni Bunye na nauunawaan naman ng international financial creditors ang sitwasyon sa bansa at positibo naman ang kanilang reaksiyon.
Nagmamasid anya ang mga ito sa sitwasyong pangkabuhayan ng bansa.
Ayon kay Bunye, walang dapat ikaalarma ang publiko sa terminong financial crisis na ang ibig sabihin lamang ay "tough situation" na nangangailangan ng pagsasakripisyo ng lahat. (Ulat ni Lilia Tolentino)