Sa House Bill 2388 na inihain ni Rep. Arroyo, nais nitong bigyan ng reward na mula P10,000 hanggang P10 milyon ang taong tutulong sa pamahalaan sa kampanya nito laban sa katiwalian.
Tatawaging Philippine Informants Act of 2004 ang panukala na magbibigay ng sapat na ngipin laban sa graft and corruption.
Nararapat lamang aniya na bigyan ng pagpapahalaga ang partisipasyon ng publiko sa paglaban sa katiwalian sa pamahalaan sa pamamagitan ng pagbibigay at pangangalaga sa kanilang kaligtasan.
Idinagdag nito na tanging sa Pilipinas lamang walang batas na nagbibigay pagpapahalaga sa mga taong nagtuturo kung sino ang gumagawa ng katiwalian sa ibat ibang sangay ng pamahalaan.
Sa kanyang panukala, hindi maaaring balikan o gantihan ng mga tiwaling opisyal ng gobyerno ang mga impormante o whistleblowers na magbubunyag ng mga katiwalian sa gobyerno.
Ituturing na public officers and employees ng gobyerno na maaaring masangkot sa mga katiwalian ang mga may permanente o temporary positions, classified or unclassified positions, at mga taong tumanggap ng posisyon kahit wala silang tinatanggap na sahod. (Ulat ni Malou Rongalerios)