Sinabi ni Rep. Hataman na malaking kasiraan at iskandalo sa buong Kongreso ang ginawang pagbubunyag ni Reeves dahil naging suspek ang lahat ng kongresista sa naturang akusasyon.
Ayon pa kay Hataman, dahil sa aminado si Reeves sa kanyang trabaho, puwede itong kasuhan dahil sa paglabag sa Anti-Prostitution Law.
Ipinaliwanag ni Hataman na wala silang galit kay Reeves at naiintindihan niya ang kalagayan nito pero dapat niyang tukuyin kung sino ang mga naging kliyente niyang opisyal ng gobyerno upang malinis naman ang imahe ng Kongreso.
Sinuportahan din ni Albay Rep. Edcel Lagman si Hataman sa pahayag nitong dapat maging kumpleto ang pagbubunyag ni Reeves upang maisalba naman ang mga inosenteng kongresista.
Maaari aniyang pumasok sa Witness Protection Program si Reeves upang mabigyan ng proteksiyon kung natatakot itong ihayag ang pangalan ng kanyang mga naging kliyente.
Itutuloy pa rin ng kinauukulang komite sa Kongreso ang ginawang pagbubunyag ni Reeves tungkol sa escort service na ginagamit bilang front ng prostitusyon. (Ulat ni Malou Rongalerios)