Sa isang phone interview, sinabi ni Armys 604th Brigade Commander Brig. Gen. Agustin Demaala na nakatanggap sila ng intelligence report na agad umanong inilibing ng kanyang kaanak si Alonto matapos itong mapatay.
"Although we received information that he (Alonto) was among those killed, we want physical evidence on this case," ani Demaala.
Sinabi ni Demaala base sa kanilang natanggap na impormasyon ay inilibing na ng kanyang pamilya at mga kamag-anak si Alonto sa Sitio Tatag, Langapin, Sultan Kudarat Pendatun ilang oras matapos hulugan ng bomba ang bahay nito sa ginawang pagsalakay sa kuta ng Pentagon.
Sa kasalukuyan ay patuloy ang hot pursuit operations laban sa 32 hanggang 50 pang Pentagon kidnappers na kinabibilangan rin ng grupo ni Matangkang Saguile.
Nabatid na sina Alonto at Saguile ay magkaalyado sa kidnap-for-ransom at aktibong kumikilos sa bahagi ng Central Mindanao.
Kaugnay nito, pinuri naman ni Pangulong Arroyo ang militar sa matagumpay nilang operasyon.
Ayon sa Pangulo, ginamit na ng gobyerno ang kamay na bakal laban sa Pentagon KFR para mapalabas ang mga ito sa kanilang pinagkukutaang lugar.
Si Alonto ay may patong na P1 milyon para sa ikadarakip nito, patay man o buhay. (Ulat ni Lilia Tolentino)