Dahil dito, inalerto na ni Defense Secretary at Anti-Terrorism Task Force (ATTF) Chief Eduardo Ermita ang pinagsanib na puwersa ng militar at pulisya sa matinding bantang resbak ng ASG upang masupil ang karahasan.
Ayon naman kay AFP- Southcom Chief Major Gen. Generoso Senga, inaasahan na nila ang ganting paghahasik ng karahasan ng grupo ng mga bandido.
Labing-tatlo sa 17 Sayyaf na nahatulan ng bitay ni Basilan RTC Branch 2 Judge Danilo Bucoy ay ibiniyahe kamakalawa ng gabi sa Metro Manila at idineretso sa National Bilibid Prisons sa Muntinlupa City.
Apat sa mga suspek ay convicted in absentia kabilang si Mubbin Ibba alyas Abu Black na nanguna sa Black Saturday mass jailbreak sa Basilan Provincial Jail noong nakalipas na buwan ng Abril.
Nabatid na nakatanggap ng report ang mga awtoridad na nagtatago lamang at maaaring umatake anumang oras sa lungsod ng Zamboanga si Ibba kasama ang isa pang lider ng ASG na si Amilhamja Ajijul alyas Alex Alvarez na nagpaplano na namang mangidnap ng mga mayayamang negosyante sa utos ni Khadaffy Janjalani.
Ayon sa militar, si Ajijul ang lider ng Sayyaf na siyang utak sa pambobomba sa Zamboanga City noong Oktubre 2002 na ikinasawi ng 11 katao kabilang ang isang US Special Forces personnel habang 80 pa ang malubhang nasugatan.
Sinabi pa ni Ermita na isang malaking tagumpay sa kampanya ng pamahalaan laban sa terorismo ang hatol na bitay laban sa 17 Abu Sayyaf kidnappers at inaasahang susunod na ring mapaparusahan ng batas ang iba pa sa nalalabing miyembro ng mga bandido.
"More than this legal victory however, we are happy to note that justice has been served. This proves that terrorists, even with their extremely elusive behavior and their unpredictability, are not beyond the reach of our criminal justice system," ang sabi pa ng kalihim. (Ulat nina Joy Cantos at Roel Pareño)