Nakilala ang mga nasawi na sina Anijah Daud, Rina Daud at tatlong bata na di natukoy ang pagkakakilanlan.
Sa ulat ng National Disaster Coordinating Council (NDCC), ang insidente ay naganap dakong ala-1 ng madaling araw sa kahabaan ng Narciso Ramos highway sa Brgy. Linuk, Pualas ng nabanggit na lalawigan.
Nabatid na ang mga biktima ay mahimbing na natutulog nang bigla na lamang rumagasa ang tone-toneladang lupa at putik sa nasabing barangay na tumabon sa bahay ng mga biktima.
Ayon kay Defense Secretary Eduardo Ermita, chairman ng NDCC, maging ang mga tauhan ng Philippine Institute of Volcanology ang Seismology ay nagsasagawa ngayon nang pag-aaral sa naging sanhi ng biglang pagguho ng lupa sa naturang lugar.
Sa ulat naman ng Provincial Disaster Coordinating Council, marami sa residente ng Barangay Luuk ang lumikas sa pangambang matabunan ng lupa ang kanilang mga kabahayan.
Bunga nang nagyaring landslide ay pansamantalang isinarado sa lahat ng uri ng sasakyan ang Marawi City patungong Malabang, Lanao del Sur.
Kasalukuyan namang inaalam ng mga awtoridad ang halaga ng naging pinsala sa naganap na landslide. (Ulat ni Joy Cantos)