Ang paghirang ay inihayag ng Pangulo sa ginanap niyang pulong bayan sa gusali ng Ford Group Philippines sa Sepcial Economic Zone sa Sta. Rosa. Laguna kahapon.
Bilang Presidential Adviser on OFWs, si de Castro ang siyang tatayong board chairman ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na pinamamahalaan ni Labor Sec. Patricia Sto. Tomas at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na pinamumuan naman ni Administrator Virgilio Angelo.
Inaasahan ng Pangulo na makakatulong si de Castro sa pagbibigay pansin sa kapakanan ng walong milyong OFWs sa iba't ibang dako ng mundo na nagpapasok sa bansa ng $8 bilyon kada taon.
Una nang ibinigay ng Pangulo kay de Castro ang puwesto bilang co-chairman ng National Anti-Poverty Commission.
Samantala, hinirang ng Pangulo bilang bagong Postmaster General ng Philippine Postal Corporation (PhilPost) si Dario Rama, dating chairman ng Presidential Anti-Graft Commission. Itinalaga si Rama sa PhilPost bilang kapalit ni Ret. Army General Diomedio Villanueva kung saan nakapaloob ito sa isang executive order na may petsang Hulyo 30. Posible umanong ang pagkakatanggal kay Villanueva sa puwesto ay may koneksiyon sa sinasabing pagkakalugi ng PhilPost ng P5 bilyon dahil sa kapabayaan at korapsiyon. (Ulat nina Lilia Tolentino/Ellen Fernando)