Ito ang joint statement kahapon nina Foreign Affairs Secretary Delia Albert at US Ambassador Francis Ricciardone sa kanilang pag-uusap sa DFA bilang sagot sa ipinahayag ng US State Department na tinanggal na ng Amerika ang Pilipinas sa listahan ng mga bansa na kabilang sa Coalition of the Willing sa Iraq.
Nilinaw ni Ricciardone na nagkaroon lamang ng "serious disagreement" sa kaso ng humanitarian contingent na pinaatras sa Iraq kapalit ng kaligtasan ng Pinoy truck driver na si Angelo dela Cruz. Sumusuway kasi ito sa kagustuhan ng pamahalaang US dahil kontra raw sa pakikibaka sa international terrorism.
Una na ring klinaro ni Ricciardone ang naging pahayag ng Washington DC mula kay US State Department spokesman Richard Boucher na tinanggal na ang Pilipinas sa Coalition of the Willing. Sinabi ni Ricciardone na ang pahayag ni Boucher ay hindi pa opisyal.
Gayunman, walang konkretong sagot si Ricciardone sa tanong na kung inalis na nga ba ang RP sa Coalition dahil hindi naman direktang sinagot nito ang katanungan.
Niliwanag lamang ng US ambassador na matibay pa rin at patuloy ang RP-US joint military exercise sa susunod na taon at sa susunod na limang taon ay palalakasin pa ang puwersa ng militar mula sa tulong ng Amerika.
Kahapon itinakda ang pag-uusap ni Albert at Ricciardone sa DFA upang pag-usapan at ayusin ang nasabing gusot sa pagitan ng Pilipinas at US.
Sa kabila nito, umalma naman ang Malacañang sa patuloy na pagtuturing sa Pilipinas na isa sa tatlong pinamumugaran ng mga terorista sa Southeast Asia na kinabibilangan din ng Indonesia at Thailand.
Sa ipinalabas na report ng 9/11 Commission ng Estados Unidos na nagsagawa ng imbestigasyon sa naganap na pag-atake sa World Trade Center sa New York at Pentagon sa Washington noong Sept. 11, 2001, tinukoy na pugad ng mga terorista ang Mindanao.
Ayon kay Presidential Spokesman Ignacio Bunye, ang akusasyong ito ay matagal na at hindi na nararapat na manatili ang ganitong bansag sa bansa dahil niyutralisado na ang mga grupong terorista sa Pilipinas. (Ulat nina Ellen Fernando at Lilia Tolentino)