Hindi na umabot pang buhay sa Medical City ang biktimang si Nestor Ponce Jr., Usec. ng Technical Assistance for Resettlement sa Malacañang bunga ng matinding pagkadurog ng kaliwang bahagi ng kanyang katawan habang nilalapatan ng lunas ang asawa nitong si Evangeline, 53, na nagtamo ng bali at pasa sa katawan.
Samantala, ginagamot naman sa Asian Hospital sa Alabang sanhi ng pinsala sa katawan ang driver ng nakabanggang sasakyan ng mag-asawang Ponce na nakilalang si Jayson Ivler, 23, estudyante, anak umano ng isang opisyal ng Asian Development Bank (ADB) at nakatira sa 423 Hillside St., Blue Ridge Subdivision, Quezon City.
Sa inisyal na imbestigasyon ni SPO4 Alexander Galang ng Pasig City Traffic Division, naganap ang insidente dakong alas-5:30 ng madaling-araw sa kahabaan ng C-5 Ortigas flyover sa Brgy. Ugong ng nasabing lungsod.
Sakay ang mga biktima ng kulay itim na Isuzu Trooper na may plakang XLN-714 habang binabagtas ang North bound lane patungong Tagaytay upang magsimba nang bigla umanong mawalan ng giya o kontrol ang papasalubong na isang kulay itim na Toyota Prado Land Cruiser na may diplomatic plate na ADB-23370 na minamaneho ni Ivler.
Sa lakas ng takbo ng Land Cruiser ay mabilis na sumampa ito sa center island at bumangga sa kaliwang bahagi ng sasakyan ni Ponce.
Nadurog naman ang kaliwang kamay ng nabanggit na Usec. na siyang nagda-drive ng dalang sasakyan dahil sa lakas ng pagkakabangga dito.
Agad namang isinugod ang mga biktima sa nabanggit na pagamutan subalit idineklarang dead on arrival (DOA) si Usec. Ponce habang nasa kritikal na kondisyon ang asawa nito. Samantalang isinugod si Ivler sa Quirino Medical Center at pagkalaon ay inilipat sa Asian Hospital ng mga kaanak nito. (Ulat ni Edwin Balasa)