Ito ang ibinunyag kahapon ng mga mambabatas na kasapi ng Gabriela, Anakpawis at Bayan Muna sa kanilang House Resolution No. 2 na naglalayong imbestigahan ang naging desisyon ng DOE na payagang maghanap ng langis sa Mindanao ang isang consortium na pinangungunahan ng Unocal Corporation, isang US energy company.
Base sa data ng DOE na nakalap sa inisyal na geological at seismic tests, maaari umanong makahukay ng 260 milyong bariles ng langis at 600 billion cubic feet ng gas sa Sulu.
Isa namang pag-aaral na isinagawa ng Norwegian Agency for Development Corp. ang kumumpirma sa data na nagpapakitang ang Sulu Sea ang kaparehong geology sa oil at gas fields sa Malaysia, Indonesia at Brunei.
Sinabi ni Anakpawis Rep. Crispin Beltran na dapat tingnan ang magiging implikasyon sa ekonomiya ng Pilipinas nang ginagawang paghahanap ng langis sa Mindanao sa gitna na rin ng sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo at iba pang epekto nito sa Oil Deregulation Law.
"There are reports that a US-led consortium has begun drilling for oil in the Philippines as of May 2004," ani Beltran.
Tinatayang nasa $14 milyon ang halaga ng oil at gas exploration projects na isinasagawa sa Sulu Sea.
Sa disclosure na isinumite sa Philippine Stock Exchange (PSE) napag-alaman na sinimulan na ang first phase ng proyekto, ang "Zebra well".
Plano ng consortium na humukay ng hanggang 1,850 feet para sa Zebra 1 well at panibagong 935 feet para sa second phase ng proyekto, ang Rhino 1 well. (Ulat ni Malou Rongalerios)